MANILA, Philippines - Sinampahan na rin kahapon ng P15 milyong halaga ng kasong sibil sa Quezon City Regional Trial Court si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng umano’y partisipasyon nito sa karumal-dumal na Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009.
Sa 13-pahinang complaint affidavit na isinumite sa sala ni RTC branch 221 Judge Jocelyn Reyes-Solis ni Atty. Harry Roque, abogado ng kapamilya ng 15-mamamahayag na kasama sa 58 nasawi sa masaker, isinampa ang kasong sibil na tinatawag nitong “aiding at abetting” na ginawa umano ni Arroyo sa naturang masaker.
Sinabi ni Roque na isa si Arroyo sa mga taong dapat mapanagot sa krimen dahil siya umano ang nagbigay ng baril, pera, at impluwensya sa mga Ampatuan kaya naisagawa ng mga ito ang masaker.
Sa paliwanag ni Roque, si Arroyo noong ito pa ang Pangulo ng bansa ang nagbigay umano ng legal recognition sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order 546 noong Hulyo 14, 2006 na naglelehitimo sa mga private armies bilang “force multipliers” sa paglaban sa mga rebelde. Dito naging lehitimo umano ang private army ng mga Ampatuan.
Lahat rin anya ng baril na gamit ng private army ng mga Ampatuan kabilang ang mga baril na ginamit sa pamamaslang sa 58 mga biktima ay buhat sa pamahalaan, habang ang pondong ginagamit ng mga Ampatuan ay buhat rin sa gobyernong Arroyo.
Pinakaimportante umano dito ang impluwensyang ibinigay ni Arroyo dahil sa pagiging kaalyado ng mga Ampatuan na nagbigay ng sobrang kumpiyansa sa mga ito at makaramdam ng pagiging “untouchables” kaya nagawa ang krimen nang walang iniisip na mapaparusahan ng pamahalaan.
Binira naman ni Roque ang kabagalan ng sistema ng hudikatura sa bansa kung saan sinabi nito na maaaring umabot sa 55,000 taon bago matapos ang kaso. Base sa pag-aaral ng isang independent group sa sistema ng hustisya sa bansa, may average na 5 taon ang itinatagal ng isang kaso bago maresolba. Sa isyu ng Maguindanao massacre, may 11,000 kaso ang naisampa.
Partikular na tinukoy ng abogado ang paulit-ulit na ginagawa ng korte na ibinabalik sa witness stand ang kanilang mga saksi kapag may isang akusado na nadadakip at nakakasuhan kaya napakabagal ng takbo ng kaso.
Kaugnay nito, isang batalyon o aabot sa 500 sundalo ang nakadeploy ngayon sa dalawang bayan ng Maguindanao upang matiyak ang seguridad sa paggunita ng karumal-dumal na masaker.
Samantala, ayaw kumpirmahin ng Malacanang kung ilang kaso pa ang isasampa laban kay Arroyo bukod sa kinakaharap nitong electoral sabotage na isinampa sa Pasay Regional Trial Court. (May ulat nina Joy Cantos/Rudy Andal)