MANILA, Philippines - Isang treasure hunter ang nasugatan matapos barilin ng lider ng New People’s Army na nanloob sa tahanan nito makaraang mapabalitang nakahukay ng ginto ang una sa Brgy. Ombong sa bayan ng Alegria, Surigao del Norte , ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Caraga PNP spokesman P/Supt. Martin Gamba, bandang alas-8 ng gabi nang pasukin ng mga rebelde ang bahay ni Danny Evarita sa liblib na bahagi ng Brgy. Ombong.
Sinabi ng opisyal na naghahanda na para mamahinga ang pamilya ng nasabing treasure hunter nang biglang sumulpot ang mga armadong rebelde na ipinalalabas rito ang mga nahukay nitong ginto.
Ang nasabing mga ginto ay plano umanong ibenta ng mga rebelde para ipambili ng gamot sa mga sugatan nitong kasamahan.
Sinabi naman ni Danny na wala siyang nahukay na ginto at walang katotohanan ang kumakalat na balita sa kanilang baryo bunsod upang magalit ang lider ng mga rebelde at barilin ito.
Hindi pa nakuntento ay hinahughog pa ng mga rebelde ang bahay ng pamilya at tinangay ang P6,600 ng mag-asawang Evarita saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Camp Edward.