Mosyon ng Palasyo vs TRO ibinasura ng SC
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Korte Suprema ang inihaing motion for reconsideration ng Department of Justice (DoJ) laban sa temporary restraining order (TRO) para sa ipinataw na watchlist order na pumipigil na makabiyahe sina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo.
Gayunman, sinabi ni SC spokesman Atty. Midas Marquez, na hindi na rin puwedeng lumabas ng bansa ang mga Arroyo dahil sa warrant of arrest na inilabas ng Pasay City regional trial court kaugnay naman sa isinampang kasong electoral sabotage ng Comelec laban kay Mrs. Arroyo. Ang Pasay court na umano ang may jurisdiction sa kaso, pero nilinaw na nananatili pa rin ang TRO sa watchlist order.
Sa naging botohan ng mga mahistrado, walo sa mga ito ang nagbasura sa nabanggit na apela habang lima ang pumabor.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag din ng High Tribunal sa loob ng 10 araw si de Lima kung bakit hindi siya dapat patawan ng indirect contempt ng SC matapos hindi nito sundin ang TRO bagkus ay inatasan ang Bureau of Immigration na harangin ang mag-asawang Arroyo kapag nagtangkang umalis ng bansa.
Samantala, kinansela na ng kampo ng mga Arroyo ang kanilang naka-iskedyul na 5:10 pm flight kahapon patungong Singapore sa NAIA Terminal 1.
- Latest
- Trending