MANILA, Philippines - Magdaraos ng special en banc session ngayon ang Supreme Court (SC) upang talakayin ang ilang mahahalagang isyu tungkol sa temporary restraining order (TRO) ng watchlist order (WLO) para kina dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at asawang si dating First Gentleman Atty. Mike Arroyo.
Sinabi ni SC spokesman at court administrator Jose Midas Marquez, layunin ng special en banc na resolbahin ang motion for reconsideration (MR) ng Department of Justice (DoJ) at ang hiling na mas maagang oral argument ng mga Arroyo.
Posible rin umanong matalakay ang maaaring parusa sa mga humadlang sa implementasyon ng TRO.
Ang en banc ay gagawin ngayong umaga, habang ang oral argument ay sa araw ng Martes.
Umaasa ang korte na hindi humantong sa constitutional crisis ang kasalukuyang sitwasyon sa pagitan nila at ng pamahalaan.
Una rito, hiniling ng kampo ni Mrs. Arroyo sa Korte Suprema na gawing mas maaga ang pagdaraos ng oral argument kaugnay sa kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa kapangyarihan ng DoJ na magpalabas ng WLO.
Ito’y sa pamamagitan ng urgent motion na kanilang inihain ng legal counsel na si Atty. Estelito Mendoza.
Nais ng kampo ni Arroyo na gawin ang oral argument ng mas maaga sa Nobyembre 22.
Batay sa mosyon, kinakailangang gawin sa lalong madaling panahon ang oral argument matapos ang naganap na insidente sa NAIA kung saan hindi pinayagan na makaalis ng bansa ang mga Arroyo.