Aquino gov't napahiya sa political asylum issue
MANILA, Philippines - Ipinahiya lamang umano ni Justice Secretary Leila de Lima sa International community ang Pilipinas dahil sa pahayag nito na nais kumuha ng asylum ni Pampanga Representative Gloria Arroyo sa Dominican Republic.
Sinabi ni Elena Bautista-Horn,tagapag salita ng dating Pangulo, nakakahiya umano ang Pilipinas dahil mismong Dominican Republic foreign minister Carlos Morales Troncoso ang nagsabi na hindi totoo ang pahayag ni de Lima.
Sinabi naman ni Atty. Raul Lambino, dapat ay magbitiw na lamang kaagad si Sec. de Lima dahil inilagay niya ang bansa sa kahihiyan.
Idinagdag pa ni Horn, na masyado na umanong obsessed ang administrasyon sa pagkulong sa dating pangulo kayat nanawagan si Horn sa publiko na bantayan ang pamahalaan sa susunod nitong hakbang upang mailihis ang kaso laban kay Arroyo upang makulong lamang ito.
Bilang patunay umano dito ang pagsasabi ni Pangulong Aquino na maaring makulong na si Arroyo sa darating na kapaskuhan.
Paliwanag ni Horn, wala pa namang pormal na kasong isinasampa laban kay Arroyo subalit mayroon na agad timetable ang gobyerno kung kailan ito maipapakulong kayat hindi na umano sila umaasa ng patas na paglilitis mula sa administrasyon.
Pinag-aaralan na rin umano ng kampo ni Arroyo kung muli silang hihingi ng travel authority mula kay House Speaker Feliciano Belmonte dahil expire na sa December 5 ang naunang inisyu sa kanila.
Pinuri naman nito ang Quezon City Regional Trial Court, dahil sa pagiging patas umano ng payagan si Ang Galing party list Rep. Mikey Arroyo na magtungong Estados Unidos.
Ayon pa kay Horn, nagpapakita lamang umano ito kung gaano ka propesyunal ang hudikatura dahil tinitingnan nito ang merito ng kaso hindi umano tulad ng executive branch na sinasapawan ang trabaho ng hudikatura sa pagbabawal sa isang indibidwal na lumabas ng bansa
Samantala, itinanggi ng Malacañang na napahiya ang gobyernong Aquino matapos mariing pabulaanan ng gobyerno ng Dominican Republic na hulihiling ng political asylum si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang international embarrassment na nangyari sa ginawang denial ni Dominican Republic Foreign Minister Carlos Morales Troncoso na humiling ng asylum si CGMA.
“Not true that there was international embarrassment. All this is just part of the noise being generated by the Arroyo camp to divert attention from real issues,” paliwanag pa ni Usec. Valte.
Magugunita na sinabi sa media ni Justice Sec. Leila de Lima na mayroong unverified report na humihiling umano ng asylum si Arroyo sa Dominican Republic.
- Latest
- Trending