Ramona nasa 'Blue Notice'

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na pasok na sa Blue Notice List ang pangalan ni Ramona Bautista na magpapakalat ng impormasyon sa mga member countries ng International Police Organization (Interpol).

Ito’y matapos pormal na hilingin ng NBI kamakalawa ang tulong ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) para mailagay ang pangalan ni Ramona sa Blue Notice List, ayon kay Atty. Jun de Castro, hepe ng NBI Foreign Liaison Division.

Nangangahulugang naipakalat na ang impormasyon sa mga miyembrong bansa ng Interpol na si Ramona ay iniimbestigahan sa Pilipinas dahil sa posibleng pagkakasangkot nito sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen Revilla.

Sinabi pa ni de Castro na hinihintay na lamang nila ang magiging sagot ng mga miyembrong bansa ng Interpol kaugnay sa kinaroroonan ni Ramona

Nasa 190 ang member countries ng Interpol at kabilang dito ang Turkey, kung saan pinaniniwalaang nagtungo si Ramona dahil tagaroon ang mister nito.

Ito’y dahil umamin na ang NBI na malabo ang pagpapatala sa kaniya sa Red Notice list ng Interpol dahil sa mga legal na balakid at wala ring paraan upang maisailalim sa extradition si Ramona upang maibalik sa Pilipinas dahil naman sa kawalan ng extradition treaty sa pagitan ng Turkey at Pilipinas.

Show comments