65 Pinoy pilgrims sugatan sa aksidente sa Saudi
MANILA, Philippines - May 65 Pinoy pilgrims ang malubhang sugatan matapos na tumama sa konretong harang ang kanilang sinasakyang bus hanggang sa bumaligtad ito habang patungo sa pinagdarausan ng hajj sa Arafat, Saudi Arabia.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing aksidente at limang Pinoy ang sinasabing nasa kritikal na kondisyon habang tatlo ang nakaratay sa Intensive Care Unit ng pinagdalhang ospital.
Sa unang report ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), kinilala ang walo na sina Salamona Mapantas; Noronisa Cadalay; Lawansa Tingaraan; Fatma Alaa; Rasmia Macarimbang; Amena Magantor, Dimaronsing Limpaolan, Cabiran Ogar.
Sinabi ni Foreign Affairs Sec. Raul Hernandez na inatasan na nila ang Embahada sa Saudi upang mabigyan ng tulong ang mga Pinoy na biktima ng aksidente.
Tinataya na may 4,300 Pinoy ang dumagsa sa Saudi upang dumalo sa tinatawag nilang “Wuqof” (Standing in Arafat) na idinadaos ngayong buwan. Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang mga Pinoy Muslims na kasalukuyang nasa Saudi.
- Latest
- Trending