MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng kampo ni Samar Governor Sharee Ann Tan ang umano’y maanomalyang pagkalap ng lagda o “signature campaign” laban sa kanya para makapagsagawa ng election recall ang Commission on Election laban sa kanya.
Ayon sa kampo ni Tan, hindi kapani-paniwala na makakakalap ng 73,889 lagda ang kanyang mga kalaban sa pulitika ng ganito karami sa loob lamang ng tatlong buwan at sa kanilang pagsusuri, halos 80% ng mga lagda sa nasabing recall petition ay hindi dumaan sa tamang balidasyon at sa posibilidad na pineke ang pirma ng mga ito.
Naniniwala din si Tan na bagama’t nagpalabas ang Comelec ng Resolution 7505 na nag-uutos na makapagsagawa ng recall petition laban sa una, ito din naman ang magiging hakbang para lumabas ang katotohanan na pineke ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang mga pirma sa naturang petition.
Unang nagsampa ng recall petition sa Comelec ang anak ng napaslang na si dating Calbayog City Mayor Reynaldo Uy, na si Aika Uy, upang mapababa sa kanyang puwesto si Tan at ilang mga opisyal nito. Ang mga Uy ay kabilang sa Liberal Party habang ang mga Tan naman ay miyembro ng Lakas-CMD.
Mariing itinanggi din ni Rep. Mila Tan ang bintang ng mga Uy na walang kapasidad o kakayahan ang nakababatang Tan na pamahalaan ang Northern Samar bilang gobernadora dito.
Hinala ng gobernador ay pulitika sa lalawigan ang nasa likod ng recall at hindi ang isyung incompetent ito sa posisyon.