Bar exams simula na ngayon
MANILA, Philippines - Inaasahan na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong araw sa mga kalye sa paligid ng University of Sto. Tomas (UST) dahil sa pagdaraos dito ng una sa apat na Linggong Bar examinations.
Ayon kay Manila Traffic Bureau (MTB) chief P/Supt. Reynaldo Nava, walang isasarang kalye sa pa ligid ng UST pero maglalagay ng special lane sa kahabaan ng España Boulevard para sa mga examinees.
Partikular umanong makararanas ng pagsisikip sa traffic ang Espana Blvd., Lacson, Padre Noval at Dapitan Streets. Posible rin umano ang mabigat na daloy ng trapiko sa Quiapo at Blumentritt.
Nakasaad sa Advisory ng UST na ang lahat ng gate ng unibersidad maliban sa Lacson gate at P. Noval gate na pinakamalapit sa UST Hospital at Santisimo Rosario Church ay isasara sa mga nabanggit na petsa.
Sa abiso mula sa tanggapan ni Justice Roberto Abad, chairperson ng 2011 Committee on Bar Examinations, ang gate ng Espana ay bubuksan lamang para sa mga kukuha at mangangasiwa ng Bar exams at ang P. Noval gate ay bubuksan sa mga magsisimba sa oras ng misa.
Bukas ang Lacson gate para sa mga magtutungo sa ospital habang ang Dapitan gate ay bukas lamang kapag oras ng tanghalian.
Samantala, hindi naman papayagan ang pagparada sa kalsada sa paligid ng UST.
Muli ring ipinapaalala ng mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng Bar Operations sa paligid ng UST, gayundin ang paglalagay ng mga banner, streamer at tent sa lugar at ang pagpapatugtog o paglikha ng anumang ingay.
Nasa 6,200 ang aspiring lawyers na kukuha ng pagsusulit ngayong taon.
- Latest
- Trending