8 pekeng human rights victims timbog!
MANILA, Philippines - Arestado sa operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Unit ang isang mag-asawa na nagre-recruit ng mga tao para magpanggap na human rights victims noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos at makapag-claim ng pera.
Kinilala ni Police Chief Insp. Renato Ocampo, Dep. Chief, Anti-Fraud-CIDG, ang mga suspect na sina Edward at Marlyn Santiago na itinuturong ‘recruiter’ na siya umanong nagre-recruit ng mga matatanda na magkukunwari namang mga biktima noong Martial Law.
Ayon kay Ocampo, modus operandi ng mag-asawa na kumuha ng mga matatanda at gagamitin para ma-withdraw ang $1,000 o P43,200 na bayad-pinsala sa mga namatay nang claimants.
Magugunita na naipanalo ng abogadong si Robert Swift ang 10 million-dollar compensation para sa mga biktima ng human rights noong panahon ng administrasyong Marcos at ibibigay ito sa mga pamilya ng mga biktima.
Pero, peke pala ang ilan sa mga nakikinabang sa mga perang ito, dahil sa halip na ibigay sa mga lehitimong pamilya ay inooperate ito ng mag-asawa sa pamamagitan ng pagkuha sa mga matatanda na magpapanggap na beneficiaries.
Kabilang dito sina Aling Felicidad Bulilan, 61, ng Caloocan City na nagpanggap na alyas Conchita Simbahan.
Ayon kay Aling Felicidad, nagpadala umano siya sa mga manloloko para may maipambili ng gamot sa maysakit na asawa. Dala ng kahirapan ay pumayag siya na kahit P1,500 lang ang ibigay sa kanya mula sa pagwi-withdraw ng pera sa RCBC Muñoz.
Bukod kay Aling Felicidad, walo pang matatanda ang inimbitahan ng tropa ng CIDG para sa kaukulang imbestigasyon matapos maaresto sa isinagawang operasyon sa may tapat ng Mercury drug store sa Edsa, Muñoz sa lungsod, ganap na alas-4:30 ng hapon.
Nabawi sa mga suspect ang isang Innova at mga cheke ng mga claimant at mga pinaniniwalaang mga pekeng IDs tulad ng postal IDs.
Samantala, personal ding nagtungo sa nasabing himpilan si Atty. Rod Domingo, kilalang human rights lawyer na sinasabi ng mag-asawang Santiago na direkta nilang kakilala.
Ayon naman kay Atty. Domingo, kilala niya ang mga suspek pero kung papaanong makakapag-withdraw ang mga ito mula sa mga namatay ng claimants ay hindi niya umano nalalaman.
Kakasuhan ng CIDG ng paglabag sa Presidential Decree 1869 o Increasing penalty for certain forms of swindling or Estafa.
- Latest
- Trending