MANILA, Philippines - Iniutos kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa lahat ng concerned city government units na ituloy pa hanggang Nobyembre 3 ang pagtatalaga ng personnel sa Manila North at South Cemeteries dahil sa na-monitor na halos daang libo pang tao ang dumagsa kahapon na bumisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay.
Sa direktiba ni Lim kay Eddie Noriega, director ng Manila North Cemetery at Henry Dy ng Manila South Cemetery, tiyakin lamang na may sapat na medical, police at traffic personnel na aasiste sa mga taong nagtutungo sa sementeryo, na hindi pa natapos sa kabila ng mahabang weekend.
Bandang alas 2-ng hapon kahapon, nasa 85-libo na ang nagtungo sa araw na iyon sa Manila North Cemetery.
Samantala, umabot na sa 200 hakot ng truck ng basura ang nakolekta sa dalawang nabanggit na sementeryo hanggang kahapon habang nasa 50 hakot na ng truck ang nakolekta sa Chinese Cemetery na kalapit lamang ng Manila North Cemetery.
Inaasahang hanggang sa Nobyembre 4, ay hindi pa rin mauubos ang dami ng tambak na basurang hahakutin ng department of public services (DPS) na pinamumunuan ni retired Col. Carlos Baltazar.