MANILA, Philippines - Nagmatigas kahapon ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isurender ang isa pa nilang commander na namumugad sa Basilan na nasa likod naman ng pagkakapatay sa 19 sundalo sa madugong ambush sa bayan ng Al Barka ng lalawigan noong Oktubre 18.
Ito ang pag-alma kahapon ng separatistang grupo na ipinarating sa pamahalaan ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar kaugnay ng demand na isurender si MILF Commander Dan Laksaw Asnawi.
Si Asnawi ang namuno sa ambush sa pagkamatay ng 19 tauhan ng 13th at 19th Special Forces Battalion na ikinasugat rin ng 14 pa sa tropang gobyerno sa Brgy. Cambug, Al Barka.
Una nang nanindigan ang MILF na hindi isusurender ang lima rin nitong pasaway na commander at sub-commander sa Payao, Zamboanga Sibugay na pinamumunuan ng isa sa mga wanted na si Waning Abdusalam, nasa likod ng kidnap for ransom at extortion sa Zamboanga Peninsula.
Ang tropa ng militar ay naglunsad ng air at ground strikes sa kuta ni Waning sa Payao na ikinasawi ng 27 MILF renegades habang nasa 60 pa ang sugatan nitong Oktubre 24-26 kung saan matapos ang assault operation sa Sulu kamakailan na ikinamatay naman ng 5 miyembro ng Abu Sayyaf ay pinangangambahang isunod na ang Basilan.
Sa tala, si Asnawi ay isang pugante sa Basilan Provincial Jail noong 2009 na may samut-saring kasong kriminal kabilang ang murder at nasa likod ng pamumugot ng ulo sa 10 sa 14 nasawing tauhan ng Philippine Marines sa Al Barkha, Basilan noong Hulyo 2007.
Sa panig naman ni AFP- Western Mindanao Command Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, sinabi nito na hinihintay na lamang ng tropa ng military ang go signal ng peace panel bago ilunsad ang air at ground strike operation sa Basilan upang hulihin ang target na si Asnawi.