MANILA, Philippines - “Hindi namin sila isusuko!”
Ito ang buong pagmamatigas na tinuran kahapon ni Moro Islamic Liberation Front Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar kaugnay ng demand ng AFP na isurender ang limang wanted na commander ng separatistang grupo.
Ayon kay Jaafar, hindi patas ang pagpapasuko sa kanilang mga commander dahil ang militar daw ang umaatake sa kanilang kampo at bukod dito ay may sinusunod silang proseso.
Iginiit nito na nagpalabas na sila ng kautusan sa kanilang mga ground commanders na respetuhin ang peacetalks at tiyakin na walang ilulunsad na pag-atake.
Kabilang sa limang wanted na MILF lawless group ay sina Waning Abdusalam, Long Malat, Laksaw Dan Asnawi at ang magkapatid na Putot at Ogis Jakaria na pawang sangkot sa kidnapping for ransom, bombing, extortion at nasa likod ng serye ng mga pag-atake sa Basilan, Zamboanga Sibugay at Lanao del Norte na ikinasawi ng 25 sundalo, tatlong pulis, isang CAFGU at mga sibilyan.
Si Waning ang lider ng MILF lawless group na nakubkob ng militar noong Miyerkules ng hapon matapos ang 3 araw na air at ground strike operation sa Sitio Talaib, Brgy. Labatan, Payao , Zamboanga Sibugay.
Ang grupo naman nina Long Malat at Laksaw Dan Asnawi kasama ang kaalyado ng mga itong si Furuji Indama, isang Abu Sayyaf commander ang responsable sa pananambang at pagkakapatay sa 19 sundalo sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 18.
Sinabi naman ni Col. Dickson Hermoso, kinatawan sa peace process ng AFP, ipauubaya na nila sa negotiating panel ng pamahalaan ang kanilang susunod na hakbang laban sa naturang mga wanted na commander ng lawless group.
Anumang magiging hakbang ng tropa ng mga sundalo para tugisin at panagutin sa batas ang naturang mga wanted ay alinsunod umano sa ipinag-utos na all-out justice ni Pangulong Aquino.