MANILA, Philippines - Bumagsak na sa tropang gobyerno ang kampo ng wanted sa batas na si Moro Islamic Liberation Front (MILF) lawless group Commander Waning Abdusalam sa bayan ng Payao, Zamboanga Sibugay kahapon ng hapon.
Ito ang kinumpirma ni Army Chief Lt. Gen. Arturo Ortiz matapos na maokupa na ng tropa ng Scout Ranger Company ang pinagkukutaan ni Abdusalam at ng may 80-100 nitong mga tauhan sa Sitio Talaib, Brgy. Labatan, Payao.
“ As of this time, the main camp of the enemy was occupied by our troops,” ani Ortiz kung saan nagsasagawa na ng clearing operation upang marekober ang mga nagkalat pang mga bangkay sa lugar.
Kasalukuyan ring nirerekober ng mga sundalo ang mga landmines at iba pang uri ng mga eksplosibo na naiwan ng grupo ni Abdusalam.
Sa panig naman ni AFP Western Mindanao Command Spokesman Lt. Col Randolph Cabangbang, napilitan ang lawless group na abandonahin ang 45 defense line ng mga ito bunga ng isinagawang air at ground strike operations ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya umpisa nitong Lunes.
“ Hindi pa natin alam kung nandun pa sa area si Waning, nagsisimula ng dumilim ang paligid at patuloy pa ang clearing operation ng ating tropa sa mga bangkay na posibleng nagkalat sa kagubatan,” ani Cabangbang.
Sa nasabing air strike at ground operations sa bayan ng Brgy. Labatan, Payao ay nasa 16 lawless elements ang napaslang at tinatayang 40 o higit pa ang sugatan habang sa tropa ng militar ay dalawa ang nasawi habang apat naman ang sugatan.