Ceasefire sa Basilan tapusin na - Escudero

MANILA, Philippines - Iginiit ni Senator Francis “Chiz” Escudero na dapat ng tapusin ang ceasefire agreement sa mga lugar sa Mindanao partikular sa Basilan matapos ang pag-atakeng ginawa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga tropa ng gobyerno.

Ayon kay Escudero, kahit pa magpatuloy ang usapang pangkapayapaan, dapat na ihiwalay ang isyu ng ceasefire na ginagamit lamang ng mga tropang kalaban ng gobyerno sa pagpapalakas ng kanilang puwersa.

Maikokonsidera aniyang massacre ang ginawa ng mga miyembro ng MILF sa 19 na sundalong pinaslang sa Basilan noong Martes.

“Yes, talks should continue, but I was hoping that it is conditioned upon the surrender of those responsible for the Basilan massacre and ceasefire is lifted in that area to give our troops a level playing field in hunting down those responsible for the bloodbath,”  pahayag ni Escudero.

Nauna ng kinondena ng senador ang ginawang pagpaslang sa mga sundalong naka-engkuwentro ng MILF.

Dismayado rin si Escudero sa ginagawang paghawak ng mga peace negotiators ng gobyerno sa sitwasyon.

“The approach of the OPPAP to the entire peace process is erroneous and misguided. Our soldiers are literally made like sitting ducks in a carnival waiting to be plucked and aimed at by those rogue criminals one by one,” wika ni Escudero.

Hinamon din ng senador sina Presidential Peace Adviser Ging Deles at government chief peace negotiator Marvic Leonen na magbigay ng mas matapang na posisyon kaugnay sa nangyaring insidente sa Basilan at sa ginawang pag-atake sa Zamboanga kung saan nalagasan din ng tropa ang gobyerno.

Show comments