MANILA, Philippines - Kailangan pa rin sumailalim ang “crocodile meat” o karne na nakukuha mula sa buwaya (saltwater crocodile) sa masusing pagsusuri ng mga otoridad.
Sa programang Talking Points na ginanap sa Philippine Information Agency, sinabi ni National Meat Inspection Service (NMIS) director Dr. Eduardo Oblena na bilang bahagi ng pagbibigay proteksyon sa consumer welfare ng administrasyon ng Pangulong Aquino, nagsasagawa ang kanilang ahensya ng masusing inspeksyon upang matiyak na malinis ang pagkakatay sa “captive-bred saltwater crocodile” (Crocodylus porosus) upang gawing karne.
Ani Oblena, ito ay upang matiyak na magiging ligtas ang publiko laban sa anumang nakahahawang sakit at iba pang panganib na maaaring makuha sa mga “exotic” o hindi karaniwan na karne alinsunod sa Republic Act No. 9296, o Meat Inspection Code of the Philippines.
Sa ngayon, unti-unti na ring nakikilala ang crocodile meat sa merkado dahil nakagagamot umano ito ng mga sakit sa baga at iba pang karamdaman.
Nauna nang kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang buwaya bilang isang food animal na katulad ng baboy, manok at baka.
Gayunpaman, nilinaw ni Oblena na maaari lamang katayin ang mga buwayang nakarehistro at may kaukulang permiso mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pang-komersyong kadahilanan.
Aniya, suportado ng kanilang ahensya ang pagpupunyagi ng DENR na maproteksyunan ang mga “endangered” o nanganganib nang maubos na crocodile species sa bansa.