MANILA, Philippines - Lumitaw kahapon sa isinagawang konsultasyon ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na pinamumunuan ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada na naghabol umano sa deadline ang Keppel Subic Shipyard kaya naganap ang malagim na aksidente noong Oktubre 7 kung saan umabot sa 6 ang namatay.
Inihayag ni Department of Labor and Employment undersecretary Lourdes Trasmonte na isa sa mga nakita nilang dahilan ang paghahabol sa deadline na Oktubre 11 ng kompanya kaya minadali ang pagtapos sa nire-repair na barko.
Lumabas din sa isinagawang konsultasyon na taliwas sa mga naunang naiulat, hindi crane ang bumagsak sa mga biktima kundi ang tinatawag na “dock arm” na sinasakyan umano ng trabahador kapag nagpipintura ng barko.
Ayon kay Fernando San Juan, ama ng biktimang si Mark San Juan na namatay sa aksidente, hindi na kinaya ng cable at ng poste kaya bumigay ang dock arm.
Inamin naman ni P/Sr. Supt. Francisco De Belen Santiago, Provincial Director ng Zambales, sa ngayon ay hindi pa nila masasabi kung sino ang “liable” o dapat managot sa aksidente dahil hindi naman sila eksperto sa paggawa ng barko.
Ayon kay Santiago, hindi naman nila maaring sabihin na kulang ang mga poste at kable para sa 166.5 toneladang bakal kaya ito bumigay.
Matapos ang hearing sinabi ni Santiago na makikipag-tulungan sila sa mga engineers ng DOLE upang matukoy kung talagang may pagkukulang ang Keppel.
TIniyak naman ng presidente ng Keppel na si Mok Kim Whang na humarap din sa konsultasyon na tutulungan nila ang mga pamilya ng biktima.
Magkakaron umano ng isang “uniform package” para sa pamilya ng mga biktima at bahala na ang mga ito kung paano gagamitin ang kanilang matatanggap na tulong.
Samantala, sinabi ni Estrada na dapat igiit at siguraduhin ng DOLE ang pagpapatupad ng mga safety measures sa mga kompanyang katulad ng Keppel.
Balak ni Estrada na personal na magsagawa ng inspeksiyon sa Keppel Shipyard sa darating na Miyerkules.