MANILA, Philippines - Nagsagawa ng kilos protesta ang militanteng grupong magsasaka sa harap ng Department of Agriculture bilang simula sa pagdiriwang ng World Food Day sa Quezon City, kahapon.
Bitbit ang kanilang plakard na nagsasaad na “Pagkain ang kailangan hindi charter change” binatikos ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang administrasyong Aquino hinggil sa planong pagbabago ng Konstitusyon.
“Ang matinding kabalintunaan sa World Food Day ay ang mga magsasakang Filipino, ang tunay na producers ng pagkain ay wala man lamang naihahatag sa kanilang mesa. Walang dapat na iselebra, sa halip ay tumitindig kami dito para magprotesta,” sabi ni Danilo Ramos KMP secretary general.
Giit ni Ramos, ang pagbibigay sa mga dayuhan ng lubos na karapatan para ariin ang lupa ay magdudulot ng kawalan ng karapatan sa mga magsasaka at hahantong lamang anya sa monopolya at kontrol sa lupain at mga produksyon sa agrikultura.
Ayon sa ulat, ang mga Filipinong mangingisda at magsasaka ay ang pinakamahirap na sektor sa bansa at madalas na magutom.
Sinabi pa ng grupo, ang higit na liberalisasyon sa agrikultura at ekonomiya ay humahantong sa pag-ulit ng kagutuman noong 1980’s na naranasan ng mga magsasaka at mga mahihirap sa Negros.
Nagbanta ang grupo ng malawakang kilos protesta sa harap ng DA alinsunod sa isang linggong selebrasyon ng mga magsasaka.