MANILA, Philippines - Binalaan ng grupong Ecowaste Coalition ang publiko hinggil sa mga halloween products tulad ng mga nakakatakot na maskara dahil sa taglay nitong nakalalasong kemikal na nakakasama sa kalusugan ng tao at kalikasan.
Ayon kay Roy Alvarez, pangulo ng Ecowaste Coalition, ang halloween products ay madalas na gamitin ng mga bata sa merrymaking gaya ng face at body paints, maskara, pumpkin buckets,vampire teeth at iba pa subalit nagtataglay ng toxic metals gaya ng cadmium, lead at mercury.
Sa pagsusuri ng grupo, sa 60 halloween products, 42 dito ay nakitaan ng isang toxic metals, 36 ay nagtataglay ng 199 parts per million ng cadmium na lagpas sa 75 parts per million na itinatakda ng batas.
Sampu naman sa 60 products ang nakitaan ng 3,463 ppm ng lead na lagpas sa 90 ppm na itinakda ng US consumer Product Safety Improvement Act of 2008
Dalawa naman umano dito ang nagtataglay ng mercury kabilang na ang mga produktong crayon body paint na may 239 mercury gayung 1ppm lamang ang itinatakda o masasabing hindi makakasama sa kalusugan ng tao.
Umapela naman ang naturang grupo sa industriya na huwag nang magmanufacture, mag-import at magbenta ng mga produktong nagtataglay ng kemikal at maging ang gobyerno ay higpitan ang pagmomonitor sa mga laruang nabanggit na hindi dumaan sa pagkilatis ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.