MANILA, Philippines - Nag-sorry si Presidential Political Adviser Ronald Llamas sa kapalpakan ng kanyang tauhan kasabay ang pag-amin na nagmamay-ari siya ng 5 baril at ‘kabarilan’ siya ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Sec. Llamas, kaya siya mayroong high powered firearm tulad ng AK-47 sa kanyang sasakyan ay dahil mayroong ‘threat’ sa kanyang buhay bukod sa kanyang M-16 armalite at 3 short firearm na pawang lisensiyado.
Wika pa ni Llamas, ilang beses na rin niyang ‘nakabarilan’ si Pangulong Aquino at isa siyang ‘gun enthusiast’.
Inamin din ng kalihim na mayroon siyang pagkukulang sa pagkakasangkot ng kanyang 2 staff sa vehicular accident sa Quezon City noong Biyernes.
Sinibak niya ang 2 staff na sina Joey Tecson at John Brilliant Alarcon matapos gamitin sa personal na lakad ang kanyang sasakyan kung saan ay naroroon ang kanyang mga baril.
Handa din niyang imbestigahan ang nag-responde niyang mga security staff sa crime scene kung saan ay kinuha ang kanyang mga armas at ginalaw ang crime scene.