MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kasiyahan ang pamunuan ng Sahar Pharma (SITI), isang local-based pharmaceutical drug distributor, sa pagbasura ng Supreme Court (SC) sa kasong ‘illegal importation of medicine’ na isinampa laban sa may-ari ng naturang kompanya.
Ayon sa SITI, ang desisyon ng Supreme Court na ipinalabas kamakailan ay nagpatibay sa hangarin ng SITI na suportahan ang agenda ng pamahalaan ni Pangulong Aquino para sa pagpapataas ng de-kalidad, ngunit murang gamot na abot kaya ng sambayanang Pinoy sa merkado.
Sinabi ni Mack Macalanggan, tagapagsalita ng SITI, ang desisyon ng SC ay patunay lamang na nananaig ang katotohanan at binibigyan ng timbang ang kabutihang maidudulot sa mamamayang Filipino na patuloy na humihiling ng pagkakaroon ng de-kalidad na gamot sa presyong abot-kaya ng lahat.
“Filipinos have a constitutionally recognized right to health, and the essence of the law and fair competition will defend that right,” pahayag ni Macalanggan patungkol sa Republic Act 9502 o ang Cheaper Medicine Law.
Sina dating Supreme Court Associate Justice Santiago M. Kapunan at lawyer-educator Adel A. Tamano ang tumatayong legal counsel ng SITI, ang kumpanyang kaakibat ng pamahalaan para maisulong at maisakatuparan ng tama ang ‘Cheaper Medicine Bill’.