MANILA, Philippines - Pinamamadali ng tatlong senior administration lawmakers ang agarang pagkumpuni at konstruksiyon ng mga karagdagang tulay sa bansa dahil ang mga naturang istruktura anila ay mahalaga sa pagsagip sa mga mamamayan at rehabilitasyon ng mga komunidad na tinamaan ng mga bagyo at iba pang kalamidad.
Ginawa nina Camarines Sur Rep. Salvio Fortuno, Laguna Rep. Edgar San Luis, at Camarines Norte Rep. Elmer Panotes, senior members ng House committee on public works, ang panawagan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council matapos na may 62 tulay sa Luzon ang hindi madaanan dahil sa bagyong “Pedring” at “Quiel.”
Iminungkahi ni Fortuno, chairman ng Bicol Recovery and Economic Development committee, na maaaring ipatupad ng pamahalaan ang subok nang “Tulay ng Pangulo” programs ng mga nakalipas na administrasyon simula pa taong 1992 na pawang mura lamang, matibay at mabilis na ilagay gamit ang foreign technologies, at pinondohan ng official development assistance (ODA) mula sa abroad.
Anang mga mambabatas, ang programa na sinimulan ni dating Pangulong Fidel Ramos ay matagumpay kaya’t ipinagpatuloy ito ng mga sumunod pang pamahalaan.
Base sa official reports, ang mga tulay na ginawa sa ilalim ng foreign-funded na “Tulay ng Pangulo” programs ay nakumpleto sa takdang panahon at wala ring cost overruns sa pamahalaan.