Recruitment agency hinoldap
MANILA, Philippines - Isang recruitment agency ang hinoldap ng mga armadong suspect at natangay ang aabot sa P1.3 milyong halaga ng payroll money sa Cubao, Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay PO3 Roland Belgica ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, ang panghoholdap ay naganap pasado alas-6 ng umaga sa tanggapan ng Job On Link na matatagpuan sa ikatlong palapag ng isang gusali sa Edsa corner Arayat Street.
Sinasabing nasa apat na armadong kalalakihan ang nangholdap sa naturang ahensya kung saan isa sa mga ito ang nagkunwaring aplikante.
Ayon sa pagsisiyasat, tanging ang mga empleyadong sina Anave Arcala, 19, at Romualdo Villagonzalo, 21, liason officer ang naroon sa nabanggit na tanggapan nang maganap ang insidente. Naganap ang panghoholdap nang dumating ang isa sa mga suspect at nagkunwaring aplikante saka umupo sa sopa, habang naghihintay na matawag sa accounting department.
Ilang sandali ay dumating ang dalawa pang mga suspect kung saan isa sa mga ito ang may dalang baril habang ang isa ay patalim saka dumiretso sa accounting department kung saan nasa labas si Villagonzalo at agad na dinamba ng mga ito, at pinadapa sa mesa.
Habang ang pang-apat namang suspect na may takip ang mukha ang nagsilbing bantay sa pintuan.
Ayon kay Arcala tinungo ng mga suspect ang accounting department at sinabi sa kanya na, “Akin na iyong pera. Alam ko nagwithdraw kayo at pasahuran nyo ngayon.”
Agad na ibinigay ni Arcala ang bag, pero ibinalik din agad ito sa kanya ng mga suspect ng hindi makita ang pera na nakasilid sa plastic bags. Sinabihan umano si Arcala ng “Hanapin mo ang pera. Ibigay mo sa akin,” saka sinimulang maghanap ng puwede pang makuha.
Sinasabing habang nanggagalugad ang mga suspect sa ang mga drawers, patagong nailabas ni Arcala mula sa bag ang isang plastic bag na may P500,000 cash saka tinakpan niya ito ng itim na jacket.
Pagbalik ng mga suspect kay Arcala at tignan ang bag ay nakita na nila ang plastic na siyang pinaglalagyan ng nasabing pera.
Sabi pa ni Arcala, masyadong nagmamadali ang mga suspect dahil nagtagal lamang umano ng 10 minuto ang panghoholdap sa kanila.
- Latest
- Trending