'Black protest' ng court employees larga ngayon
MANILA, Philippines - Tuloy ngayon ang gagawing “Black Monday protest” ng mga empleyado ng mga korte sa buong bansa laban sa mababang pondo na inilaan ng Malacañang sa hudikatura para sa susunod na taon.
Ayon kay Judiciary Employees Association of the Philippines (Judea) interim president Mar Aguilar, magsusuot sila ng kulay itim na damit bilang simbolo ng kanilang protesta.
Batay sa 2012 budget proposal ng ehekutibo, ibinaba sa P13.396 billyon ang pondo ng hudikatura mula sa hinihingi ng Supreme Court (SC) na P27.1 bilyon.
Kabilang din sa tinututulan ng Judea ay ang plano ng Malacañang na ilipat sa Office of the President ang pondong nakalaan para sa mga “unfilled positions” ng judiciary.
Samantala bagama’t wala pang balak na sumali sa protesta, sinabi ni Philippine Judges Association president Antonio Eugenio Jr. na nakikiisa sila sa hinaing ng mga miyembro ng Judea.
Sa pagharap nito sa budget deliberations sa Senado, sinabi ni SC spokesman Midas Marquez na nilalabag ng Palasyo ang nakasaad sa Konstitusyon hinggil sa separation of powers, fiscal autonomy at ang “non-reduction” sa budget ng hudikatura mula sa budget nito ng sinundang taon.
- Latest
- Trending