9 suicide sa 1 araw
MANILA, Philippines - Sa gitna ng panawagan sa Senado na imbestigahan ang lumolobong suicide sa bansa, siyam katao na naman ang iniulat na nagpakamatay sa magkakahiwalay na insidente na naganap sa loob lamang ng isang araw kahapon.
Pito sa mga nagpatiwakal ay sa pamamagitan ng pagbigti, isa ang tumalon sa ospital at isa ang nagbaril sa sarili.
Sa Quezon City, kinilala ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit ang tatlong nag-suicide na sina Harold Glenn Patiag, 24; Eugene Dejos, 39, driver; at Dennis Gildore, 29, vendor.
Sa report nina PO1 Alvin Quisumbing at PO3 Modestino Juanson ng QCPD-CIDU, si Patiag na isang scholar sa Technological Institute of the Philippines (TIP), ay nadiskubre ng kanyang kapitbahay na si Julius Simangote na noo’y napadaan lang bandang alas-2:30 ng hapon sa kanyang unit sa #52-B Unit 2 Tampax St., Barangay Quirino, na nakabitin sa pintuan gamit ang sinturon na ipinalupot sa kanyang leeg. Ilang buwan na umanong malungkot si Patiag matapos iwan ng kinakasama na nagtungo sa Middle East para magtrabaho.
Alas-4 ng hapon, nadiskubreng nakabigti si Dejos ng kasamahang driver na si Donald Asuncion sa loob ng inuupahan sa 521 Purok 12, Bgy. Commonwealth. Iniwan umano ito ng kanyang asawa at kinuha ang kanyang mga anak.
Alas-4:45 ng hapon, si Gildore ay tumalon mula sa bintana ng comfort room sa ikalawang palapag ng Quirino Memorial Medical Center (QMMC) kung saan ito naka-confine dahil sa sakit na leptospirosis. Nabatid sa tiyuhin na si Vivencio Pagas, Biyernes pa naka-confine si Gildore na nagka-ketong umano matapos kagatin ng daga. Dahil sa depresyon, nagkulong sa CR si Gildore hanggang sa lumundag sa bintana.
Sa Maynila, dahil sa sakit na tuberculosis (TB) kaya’t nagpasiyang magbigti ang 75-anyos na lolo sa Singalong. Sa ulat ni SPO2 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, nadatnang nakabitin sa pamamagitan ng mga sintas ng sapatos si Renato Dangangan, ng 1207 Zapanta St. corner Arellano St., Singalong ng kanyang anak na si Ruben alas-10 ng umaga.
Sa Quezon province, dalawang suicide rin ang iniulat sa magkahiwalay na bayan. Alas-11:30 ng umaga pagkagaling sa isang kasalan ni Domingo de Castro, 47, vegetable dealer ng Bgy. Kinatihan 2, Candelaria ay kinuha umano nito ang isang baril saka ipinutok sa kanyang ulo sa harap ng asawa at dalawang anak.
Sa imbestigasyon nina PO2 Arthur Archivald Real at PO2 German de Villa, idinadaing umano ng biktima sa kanyang misis na nalulugi na ang kanilang negosyo at may ilang araw na ring kinakikitaan ng pagka-aburido.
Ala-1:00 naman ng hapon natagpuan sa sitio Tambak, Bgy. Villa Batab, Buenavista ang binatilyong itinago sa pangalang Russel, 17, na nakabitin sa puno ng kakawati na ayon sa kanyang mga kaanak ay nag-suicide dahil sa problema sa pamilya batay na rin sa nakuhang suicide note sa bag nito.
Sa Camarines Norte, dala ng labis na konsensya at pagsisisi ng isang preso makaraang bugbugin nito ang sariling ina, winakasan ni Richard Clar ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa banyo sa loob ng kulungan ng Ragay Municipal Police Station.
Sa Bulacan, tinapos din ng college graduate na si Seth San Pedro, 23, ng Sitio Bigaang Matanda, Brgy. San Juan sa bayan ng Balagtas ang kanyang buhay. Natagpuan si San Pedro ng kanyang ina na nakabitin sa kuwarto nito gamit ang kable ng internet. Narekober ang isang suicide note sa bulsa ng kanyang pantalon.
Isang alyas Mark, 18, kasambahay at tubong Isabela at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Mahabang Parang sa bayan ng Sta. Maria ang natagpuan ding nakabitin ng nylon cord sa bahay ng kanyang amo. Bago ang insidente ay tumawag ang ama ng biktima saka umano ito sinabihan ng masasakit na salita na sinasabing dinamdam ni Mark. Makalipas ang isang oras ay nakita ito na nakabitin.
- Latest
- Trending