Namamatay na OFWs dumarami
MANILA, Philippines - Labis nang ikinababahala ng ilang senador ang pagtaas ng bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na namamatay sa ibang bansa lalo na sa Middle East.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor at Joint-Congressional Oversight Committee on Overseas Workers Affairs, kailangan nang maimbestigahan ang nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga namamatay ng OFWs at tingnan ng mga embahada ng bansa ang working conditions ng mga ito.
Napaulat na mula Pebrero 2011 ay mayroon nang 15 OFW ang inuwing bangkay mula sa kanilang mga pinagta-trabahuhang bansa.
Naghain na rin ng resolusyon si Sen. Manny Villar upang maimbestigahan ang paglobo ng bilang ng Pinoy na namamatay sa ibang bansa.
“This situation is not a first time occurrence and the State, consistent with its mandate to protect its people and uphold respect for human life, should intervene in order to stop this disturbing trend of OFW deaths and murders,”sabi ni Villar.
Inihalimbawa ng mga senador ang sinapit ni Joy Pampangan, 25, na inabot pa ng isang taon bago naiuwi sa Pilipinas ang bangkay nito mula sa Jordan.
Malaki rin ang hinala na nagkaroon ng foul play sa pagkamatay ni Pampangan dahil sa tatlong death certificate nito na naglalaman ng iba’t-ibang petsa ng kamatayan noong Hunyo 21, Hunyo 22 at Hulyo 22, 2010.
Kaduda-duda rin umano ang sinapit ni Romilyn Ibanez,22, na natagpuang patay sa sahig ng kusina ng bahay ng kanyang amo sa Alkhobar, Saudi Arabia noong Setyembre 8, 2010.
Lumalabas na namatay si Ibanez dahil sa nainom na asido at multiple stab wounds pero ng maiuwi ang bangkay nito ngayong buwan lamang, wala na itong mata at dila kung kayat labis ang pighati ng pamilya at kaanak nito.
- Latest
- Trending