MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa matinding kontrobersiya ang Land Transportation Office kaugnay ng may 173 imported na sasakyan na nawawala sa Subic, Zambales na sinasabing nairehistro na sa LTO.
Ito’y makaraang mapaulat na nairehistro ang naturang mga sasakyan sa tulong ng mga tiwaling tauhan ng LTO kahit kulang daw sa mga kaukulang dokumento.
Sa kanyang panig, sinabi ni LTO spokesperson Daisy Jacobo, na siya ring hepe ng Public Safety Division ng ahensiya, magpapaliwanag ang LTO para linawin ang naturang isyu.
Anya, ang lahat ng nairehistrong sasakyan sa LTO ay may dokumento tulad ng original invoices sales certificate ng payment taxes at confirmation ng Customs payments, PNP clearance mula sa Highway Patrol Group, insurance certificate of cover, actual inspection ng sasakyan at accomplished vehicle motor report na makukuha sa Motor Vehicle Inspection center ng LTO.
Nabatid na handa ang Kamara na busisiin ang sinasabing pagkawala ng mga luxury vehicles sa Subic.