Ex-FG umalis na ng Pinas
MANILA, Philippines - Umalis na noong Linggo ng gabi (Setyembre 18) lulan ng Cathay Pacific Flight CX902 si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo patungong Hong Kong para sa kanyang biyahe sa Munich, Germany at pagkonsulta sa isang duktor doon na mahusay sa stem cell research and treatment.
Bandang alas-6:20 ng gabi nang dumating si Arroyo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 para sa kanyang biyahe nang alas-7:00 ng gabi. Personal niyang iniabot sa immigration officer para sa stamping ang kanyang diplomatic passport.
Sinabi rin niya na dinala pa niya ang isang kopya ng kautusan ng Department of Justice na nagpapawalambisa sa Watch List Order No. 2011-410 na isinampa laban sa kanya. “Buti na iyong sigurado,” wika niya.
Bitbit ni Arroyo ang kanyang black hand carry-bag habang kinakapkapan siya ng isang male frisker sa final check bago dumiretso sa gate 7.
Sinabi pa ng dating Unang Ginoo na magtutungo siya sa Munich para sa kanyang medical check-up. Kasama niya ang dalawa niyang aide.
Nang tanungin sa kalagayan ng asawa niyang si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi niya, “Okay naman siya, nagpapagaling sa bahay.”
- Latest
- Trending