Hatol ng GCM vs Garcia, hindi nakaabot kay GMA

MANILA, Philippines - Hindi umano umabot sa tanggapan ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang hatol na guilty ng Gene­ral Court Martial (GCM) laban kay dating AFP Comptroller ret. Major Gen. Carlos Garcia.

Ito ang inamin kaha­pon ni Defense Spokesman Col. Hernando Iri­berri kung saan ang mga dokumento tungkol sa hatol laban kay Garcia ay hawak ng departamento simula pa noong Nob­yembre 2006.

“Wala kasi kaming record kung talagang na-forward yung papel sa Office of the President, wala kaming record nun”, ani Iriberri kung saan hindi nai-establish kung nahawakan nga ni dating Pangulong Arroyo ang mga dokumento sa hatol kay Garcia.

Noong Nobyembre 2006 ay si Atty. Avelino “Nonong” Cruz ang ka­sa­lukuyang Defense Sec­retary.

Sinabi ni Iriberri na ng mabatid ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na nakaimbak lamang ang mga dokumento sa departamento ay agad niya itong ipinadala sa tanggapan ni Pangulong Benigno Aquino III upang mapagtibay at malapatan ng karampatang hatol.

Si Garcia ay kasalu­kuyang kalaboso ngayon sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na nahatulan ng GCM na makulong ng 2 taon na may ‘hard labor’ kaugnay ng paglabag sa Articles of War (AW) 96 conduct unbecoming of an officer and a gentleman at AW 97 conduct prejudicial to good order and military discipline gayundin sa hindi nito pagdedeklara ng tamang Statement of Asset Liabilities and Net Worth (SALN).

Inaresto ng mga ele­mento ng militar si Garcia noong Biyernes ng umaga sa bahay nito sa Project 6, Quezon City na matapos ikulong ng ilang oras sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ay ibiniyahe patungong NBP.

Ayon kay Iriberri, iniimbestigahan na ng Fact Finding Committee ang tatlong dating opisyal ng Defense Department na hindi inaksyunan ang hatol ng GCM laban kay Garcia.

Show comments