MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng Saulog Bus Transit matapos masangkot ang isa sa mga bus nito sa aksidente noong Sabado na ikinasawi ng 3 pasahero at ikinasugat ng 21 iba pa.
Kaugnay nito, inutos din ni LTFRB Chairman Jaime Jacob sa mga tauhan gayundin sa mga elemento ng LTO at PNP-HPG na hulihin ang lahat ng bus ng SBT bilang parusa sa bus company kaugnay ng naganap na aksidente.
Ipinag-utos din ni Chairman Jacob na idaan sa pagkilatis ang 154 units ng SBT sa roadworthiness inspection ng LTO Motor Vehicle Inspection Center sa Central office East Avenue QC.
Kailangan din anyang dumaan sa drug testing, medical check up, actual written at driving ang lahat ng drivers nito sa University of the Philippines National Center for Transportation Studies upang matiyak kung maaaring magmaneho ang mga ito ng isang pampasaherong sasakyan.