MANILA, Philippines - Siniguro ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia na nadurog na niya ang korapsyon sa PSC dahil sa ipinapatupad niyang transparency.
Wika pa ni Chairman Garcia, dahil sa kanyang transparency ay nakatipid ang PSC at tuluyang nasugpo ang korapsyon matapos hindi na niya payagang umiral ang middleman sa pagbili ng mga kagamitan ng ahensiya mula sa mga suppliers.
Sa pagdiriwang sa ika-100 taon ng PSC, sinabi ni Garcia na mas natututukan ngayon ang lahat ng aspeto ng pangangailangan ng mga atleta at mga gastusin dahil palagian silang may report card na naipakikita sa taumbayan para sa pagpapatupad ng mga programa at mga pagbabago sa ahensiya.
“Kami po sampu ng aking mga tauhan ay nagtutulong-tulong para sa pagpapabuti ng kalagayan ng sports sa bansa at sa kapakanan ng mga atleta natin, mayroon po tayong report card na palagiang pinalalabas upang makita ng tao ang aming ginagawang mga reporma at pagbabago sa PSC at dito namin nalalaman kung pasado kami o hindi at ang mga bagay na dapat mabago ay agad na nagagawa namin,” pahayag ni Garcia.
Sinabi din ni Garcia na sa ilalim ng 1 taong panunungkulan nito sa PSC, umaabot sa P80 milyon halaga ng pondo ang kanilang natipid sa security, janitorial services at pagbili ng equipments.
Kaugnay nito, hinikayat din ni Garcia ang private sector na makipagtulungan sa ahensiya dahil bukas anya ang PSC para makipag kapit bisig sa pribadong sector para sa higit pang pag develop ng sports at pag adopt ng mga atleta.
Kung mag-aampon ang private sector ng mga atleta sa pagbibigay ng allowance ang pondo ng ahensiya ay direktahan na lamang magagamit sa pagpapaunlad ng mga grass root programs tulad ng sports sa mga barangay, paaralan at development ng sports sa ibang rehiyon.
Napapagkasya naman anya ng PSC ang pondo nitong P178 Milyon ngayong 2011 bagamat ang nais sana ay may ha lagang P700 milyon para higit na mapasigla ang larangan ng sports sa bansa.