Dayalogo ni PNoy sa transport groups tumagal ng 3 oras
MANILA, Philippines - Inabot ng tatlong oras ang pakikipagdayalogo ni Pangulong Aquino sa hanay ng iba’t ibang transport groups kahapon sa Malacañang.
Inilatag ng mga transport lider ang kanilang hinaing sa Pangulo kabilang ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, bigtime rollback na P9 kada litro sa produktong petrolyo at pag-alis sa 12 percent VAT sa toll fee.
Inireklamo din ng grupo ang patuloy na pangongotong sa kanilang hanay ng mga awtoridad sa lansangan.
Kabilang sa mga dumalo sa dayalogo sina George San Mateo ng PISTON, Claire dela Fuente ng IMBOA, Efren de Luna ng PCDO-ACTO, Atty. Vigor Mendoza ng 1UTAK partylist, Obet Martin ng PASANG MASDA Orlando Marquez ng LTOP, Alex Yague ng provincial operators association o PBOA.
Sa panig naman ng gobyerno, humarap sina DOTC Sec. Mar Roxas, Finance Sec. Cesar Purisima, Justice Sec. Leila de Lima, Presidential Spokesman Edwin Lacierda at MMDA chairman Francis Tolentino.
Bunsod nito, inutos ni Aquino na tutugunan ang problema ng transport groups at pag-aaralan ang kanilang mga sentimyento.
Napag-alaman din na nagbanta ang mga transport leaders na itutuloy nila ang tigil pasada kapag bigong magkaayos ang gobyerno at transport groups.
- Latest
- Trending