Robredo ligtas sa bomba!
MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo matapos taniman ng dalawang bomba ang daraanan ng kanyang convoy habang bumibisita sa Cotabato City kahapon ng tanghali.
Ayon kay Directorate for Police Operations-Western Mindanao Chief P/Director Felicisimo Khu, naganap ang malalakas na pagsabog bandang alas-12:10 ng tanghali, ilang sandali pa lang na nakakapasok si Robredo sa loob ng compound ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang dalawang Improvised Explosive Device (IED) ay itinanim may 20 metro ang layo sa national highway sa harapan ng Cotabato City Regional Hospital na ilang metro lang sa compound ng ARMM.
Nabatid na ang insidente ay sa gitna na rin ng heightened alert status ng mga awtoridad sa Central Mindanao.
Si Robredo ay nagtungo sa Cotabato City para dumalo sa public forum ng mga aspirante sa OIC Governor ng ARMM kung saan kasalukuyan itong nasa loob ng ARMM compound ng mangyari ang pagsabog.
Sinabi naman ni Cotabato City Police Director P/ Sr. Supt. Roberto Badian na wala namang nasugatan at nasawi sa insidente kung saan ang pagsabog ay nais lamang maghasik ng takot sa mga residente sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ang bomba ay gawa sa 81mm mortar na may mobile phone bilang triggering device na inilagay sa dalawang sako.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung may kinalaman sa posisyon sa mga OIC post sa ARMM ang pagpapasabog.
- Latest
- Trending