MANILA, Philippines - Isa na namang plunder case ang isinampa sa Office of the Ombudsman laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo at mister niyang si Jose Miguel Arroyo, kaugnay ng maanomalya umanong national broadband deal contract.
Bukod sa mag-asawang Arroyo, kinasuhan din sina dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr., at dating Transportation and Communication Sec. Leandro Mendoza.
Bukod sa plunder sinampahan din nina Bayan Muna Rep. Teddy Casino, dating Gabriela Rep. Liza Maza at Maria Carolina Araullo, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan, ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees ang dating Pangulo.
Nauna ng nagsampa sina Casino ng kasong graft laban kay Rep. Arroyo sa Department of Justice kaugnay ng anomalya umano sa NBN-ZTE deal. Pero binawi ito nina Casino at nirebisa bago isinampa sa Ombudsman.
Ayon kay Casiño, maanomalya ang memorandum of understanding na pinasok ng Arroyo government at China-based company na Zhong Xing Telecommunications Equipment para sa NBN project na overpriced umano.
Sa imbestigasyon ng Senado, sinabi ng negosyanteng si Jose de Venecia III na ang orihinal na proposal ng ZTE ay nagkakahalaga lamang ng $130 milyon subalit lumobo umano ito sa $262 milyon.
Dahil sa kontrobersyang idinulot ng mga im bestigasyon sa kontrata, kinansela ng dating pangulo ang kontrata.