MANILA, Philippines - Nagdala umano ng suwerte ang punongkahoy na itinanim ni yumaong dating Pangulong Corazon Aquino sa Hongjian Village sa Zhangzhou, Fujian province sa China na personal na nakita kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III bago ito bumalik sa Pilipinas.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, itinanim ang nasabing puno ng dating pangulo noong 1988.
“Mag-a-attend po ang Pangulo sa Philippine-Fujian Business conference at mamayang hapon (kahapon ng hapon) po ay bibisita ang Pangulo sa Hongjian Village in Zhangzhou, Fujian province, at dito po iyong mabibisita po niya ang tree na itinamin po ng dating Pangulong Corazon Aquino noong siya naman po ang bumisita dito sa probinsyang ito noong 1988,” sabi ni Valte.
Ayon sa ulat, maging ang Pangulo ay namangha kahapon sa araucaria tree na sinasabing nahati ilang taon bago siya nahalal sa pagka-pangulo ng bansa.
Nagsanga umano sa dalawa ang punongkahoy at ipinahihiwatig ang pagkakahalal din ni P-Noy bilang Pangulo tulad ng kanyang ina.
Sinabi pa ni Valte na umaasa rin siyang ang sinasabing suwerte ay aabot hanggang sa Pilipinas.