Plunder vs Mike A isinampa
MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa tanggapan ng Ombudsman ng kasong plunder si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo at 26 pang dating matataas na opisyal ng Interior and Local Government at PNP kaugnay ng anomalya sa P105M overpricing sa pagbili ng tatlong helicopter, dalawa rito ay segunda mano noong 2009.
Ayon kay PNP-CIDG chief, Director Samuel Pagdilao Jr., ito’y matapos aprubahan na ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang kanilang isinagawang parallel investigation sa irregularidad sa pagbili ng Robinson R-44 Raven.
Sa press briefing sa Camp Crame, bukod kay Arroyo na asawa ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, dawit rin sa isinampang kaso sina dating DILG Secretary Ronaldo Puno, dating PNP Chief ret. Director General Jesus Verzosa.
Gayundin sina dating PNP Deputy Chief PNP for Operations, ret. Police Deputy Director General Jefferson Soriano; dating Director for Comptrollership, ret. Police Director Romeo C. Hilomen; dating Director for Logistics, ret Police Director Luizo C. Ticman at dating Director for Research Division, ret. Police Director Ronald Roderos.
Sa hanay ng mga pribadong indibidwal ay sina dating NAPOLCOM Staff Service Chief of Installation and Logistic Service Conrado Sumanga Jr, Hilario de Vera, President of Manila Aerospace Products Trading Inc. (MAPTRA), Arhibald Po, Director of Asian Spirit Inc., Renato Sia ng Asian Spirit. Sinasabing ang MAPTRA ay pag-aari ni Arroyo.
Samantalang ang mga aktibong opisyal na sinampahan naman ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act bilang mga miyembro ng Bids and Awards Committee na nakipagsabwatan sa pagbili ng Robinson R 44 helicopter ay sina Chief Superintendent Luis Saligumba, Senior Superintendent Job Nolan Antonio, Senior Superintendent Edgar Pataan, Senior Superintendent Crisostomo Garcia, Senior Superintendent Mansue Lukban, Superintendent Ermilando Villafuerte, Police Superintendent Henry Duque, ret Superintendent Claudo Gaspar dating nakatalaga sa Air Unit of the PNP-Special Action Force (SAF); ret. Superintendent Larry Balmaceda, dati namang nakadestino sa Air Unit of SAF at dating Chief Inspector Maria Josefina Recometa.
Ayon kay Pagdilao, lumilitaw sa isinagawa nilang imbestigasyon na nagsabwatan ang nasabing mga personalidad upang palitawin na bago ang mga lumang helicopter na kanilang nakita sa mga isinumiteng dokumento at binalewala umano ang flight log at engine log book na nagamit na ito na sa katunayan ay nakapagtala na ng 500 flight hours bawat isa.
“We believe that we have a good case against former First Gentleman. Most of the evidence were unearthed during the senate hearing. Ownership of the second hand helicopter were established by the statements of Mr Archibald Po, Mr de Vera and of course the documentary evidence”, wika ni Director Pagdilao sa mediamen.
Ang MAPTRA ang nagbenta ng tatlong Robinson R-44 Raven ng PNP pero sa kabila ng segunda mano ang dalawa rito ay pinalabas umano na mga bago at nagsilbing siyang dealer naman ng Lionair na lumalabas na tanging distributor sa Pilipinas ng Robinson helicopters.
Samantalang dawit rin sa kaso ang mga aktibong opisyal na sina Police Director Leocadio Santiago Jr., Police Director George Q. Piano, Police Chief Superintendent Herold Ubalde, at Police Senior Superintendent Lurimen Detran.
Magugunita na ibinulgar ni Senador Panfilo Lacson ang umanoy pagbebenta ng mga Arroyo ng mga lumang helicopter sa PNP na ginamit pa ng mga ito noong Mayo 2004 election.
- Latest
- Trending