MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang kongresista na maaaring magamit ng ilang awtoridad laban sa mga small industry player ang isang panukalang-batas hinggil sa liquefied petroleum gas na kasalukuyang tinatalakay sa House of Representatives.
Inayunan ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang pagkabahala ng LPG Refillers Association (LPGRA) na maaari umanong gamitin ng pulisya sa panggigipit sa mga indipendiyenteng LPG traders ang mga butas sa panukalang “LPG Safety Act.”
“Kadalasang mga independiyenteng refiller ang pinag-initan ng mga law enforcement agencies,” puna ni Evardone. “Sa panukalang malaking multa sa ilalim ng LPG bill, maaaring gamitin ito ng mga tiwaling tagapagpatupad ng batas para manggipit at mangikil sa mga independent refiller.”
Sa ilalim ng bill, ang industry player na hindi nakasunod sa hinihinging product specification ng Department of Energy para sa kanilang LPG cylinder ay pwedeng makasuhan at makulong nang hanggang dalawang taon at pagmultahin ng hanggang P500,000 para sa isang tao at P1 milyon para sa isang korporasyon.
Itinatadhana rin rito na magpapatupad sa batas makaraang mapagtibay ito ang Department of Interior and Local Government sa pamamagitan ng Philippine National Police.
Ipinanukala ni Evardone ang pagpataw ng parusa sa mga tauhan ng PNP at opisyal ng pamahalaan na lalabag sa batas para hindi ito maaubuso.