MANILA, Philippines - Umaabot sa P1 bilyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno sa pagbabayad ng pension at iba pang benepisyo sa may 2,000 ‘ghost pensioner’ sa Philippine National Police (PNP) umpisa pa noong 2006.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na nadiskubre ang may 2,000 mga pekeng pensioner na nasa talaan ng PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS) kung saan ay gumugugol ang gobyerno ng P250 milyon kada buwan sa pagbabayad sa mga ito simula pa noong 2006.
Ipinahiwatig rin ng Kalihim na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga matatanggal sa listahan ng mga pensioner habang patuloy ang clean-up drive sa database ng nasabing tanggapan.
Aabot naman sa 578,000 retired PNP personnel ang nasa rekord ng PRBS ang masusi nilang binubusisi ang mga rekord upang hindi masayang ang pondo ng gobyerno.
Sinabi ng kalihim na isang malaking sindikato umano ang nasa likod ng nasabing scam kung saan patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang maaresto ang mga ito at maparusahan sa ilalim ng batas.
Tinukoy rin ni Robredo na isang Marlon Reyes, umano’y dating pulis, ang sabit sa anomalya pero ayon sa opisyal ay may mga kasabwat ito na kanilang tatalupan.
Magugunita na nito lamang nakalipas na buwan ay aabot sa mahigit 30 mga biyudang impostor ang inaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group habang nagki-claim ng pensiyon ng mga nasawing pulis gayong hindi ang mga ito ang lehitimong pensioner.
Ayon kay Robredo, pansamantalang ipinatigil ang distribusyon sa retirement benefits upang linisin muna ang listahan ng PRBS database.