MANILA, Philippines - Hindi na makontak ng Department o Foreign Affairs at Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang apat na OFW na hawak ng pamangkin ni Libyan President Moammar Gadhafi.
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, base sa report ng Embahada ay hindi na matunton ang kinaroroonan ng apat na Pinay. Maging ang mga kaanak ng apat na Pinay na kasambahay ng mga Gadhafi ay hindi na rin sila matawagan na dati namang nakakausap ng kanilang pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng cellphone.
Bunsod nito, muling dumulog ang mga kaanak ng apat na OFws sa DFA upang matunton ang mga ito mula sa nagtatago ring pamangkin ni Gadhafi.
Ilang beses na idinaan sa diplomatic channel ng pamahalaan upang mahanap ang apat na OFW subalit tanging sinasabi ng pamangkin ni Gadhafi ay ayaw umanong umalis ang apat nilang kasambahay.
Base sa report, nakalikas na sa Libya ang asawa, tatlong anak at mga apo ni Gadhafi habang ang nasabing wanted na Libyan president ay nananatili umano sa Tripoli.