MANILA, Philippines - Nasa hot water ngayon si dating PNP Chief ret. Director General Avelino Razon at anim pang retiradong heneral matapos masangkot sa umano’y overpriced repair ng 28 V-150 light armored vehicles sa halagang P409.74 milyon noong 2007.
Inutos na ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang isang ‘full blown investigation’ sa kuwestiyonableng pagpapakumpuni sa 28 battle tanks na gamit ng elite forces ng Special Action Force (SAF) at Regional Public Safety Battalions (RPSB).
Bukod kay Razon, dawit rin sa kontrobersiya sina ret. Police Director Reynaldo Varilla, dating hepe ng PNP Bids and Award Committee; ret Police Directors Charlemaigne Alejandrino, Rey Roderos at sina ret. Chief Superintendents Teodorico Lapuz at Mario San Diego gayundin si Supt. Warlito Ducut, dating Chief ng Inspection Committee team.
Sinabi ni PNP spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz na partikular na binigyan ng direktiba ni Bacalzo si PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao para tukuyin ang ‘criminal liability’ ng nasabing mga opisyal at ilang suppliers na sangkot sa anomalya.
Ang nasabing mga opisyal ang umano’y nagbigay ng approval para sa nasabing pagsasaayos sa mga V-150. Ibinuking pa ni Cruz na sa 28 Light Armored Vehicles, ay 15 lamang ang nagagamit habang 13 ang depektibo at nakagarahe.
Kabilang naman sa mga kontraktor ayon kay Cruz ay FF Enviroair, Evans Spare Parts, RJP International Trading, Airgroup, Dekslan ENT at RKGK Enterprises.
Bukod sa overpriced na repair, may naging paglabag din umano sa proseso ng procurement sa paggawad ng kontrata para sa repair at refurbish ng nasabing police tactical vehicles.
Sinasabing bago pa man maideliber ang unang refurbished units ng light armored vehicles noong Enero 2007 ay binayaran na ng PNP ang mga kontraktor.
Bukod pa ito sa paglabag sa regulasyon ng Commission on Audit na hindi dapat lalagpas sa trenta porsyento ng original acquisition cost ang repair cost sa mga battle tanks.
Samantala ang mga supplier naman na mapatutunayang nakipagsabwatan para sa anomalya ay irerekomendang i-blacklist at habambuhay na i-ban sa transaksyon sa PNP.
Nakatakdang ipatawag ng PNP-CIDG sina Razon upang pagpaliwanagin.