MANILA, Philippines - Kung si Senator Francis “Chiz” Escudero ang masusunod, nais nitong i-donate na lamang sa Philippine National Police ang dalawang helicopters na nasa pangangalaga pa rin ng Lion Air Inc. pero wala namang umaangkin.
Ayon kay Escudero, dahil nabentahan ng dalawang helicopters sa presyong brand new ang PNP, magiging patas na ang laban kung mabibigyan pa sila ng dalawang choppers.
Maari rin naman umanong kumpiskahin na ng Bureau of Internal Revenue ang nasabing dalawang helicopters na itinanggi ni dating First Gentleman Mike Arroyo na pag-aari niya.
Sinabi ni Escudero na dahil inamin naman ng dating bookkeeper ng mga Arroyo na si Rowena del Rosario na wala silang binayarang buwis at hindi sa kanila ang helicopters kundi nerentahan lamang, puwede umano itong kumpiskahin ng BIR kaysa sa mabulok.
Matatandaan na isiniwalat ng may-ari ng Lion Air na si Archibald Po na ang dating first gentleman ang may-ari ng helicopters pero itinanggi ito ng dating ginoo.
Dahil lumalabas na wala na talagang gustong umangkin sa mga helicopters naniniwala si Escudero na dapat na itong pakinabangan ng pamahalaan.
Sa ngayon ay mini-maintain naman umano ng Lionair ang nasabing dalawang helicopters at sisingilin na lamang kung sino man ang aangkin dito.