P142.8 M Grand Lotto tinamaan ng taga-Luzon
MANILA, Philippines - Isa na namang masuwerteng Pinoy ang bagong multi-milyonaryo ngayon makaraang solong mapanalunan ang tumataginting na P142 milyong halaga ng jackpot sa Grand Lotto 6/55 sa isinagawang bola kamakalawa ng gabi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa PCSO, isang taga-Luzon ang naka kuha ng anim na numerong kumbinasyon na 09-01-06-40-16-35, para makopo ang kabuuang P142,859,048.40 jackpot prize.
Nasa 34 masuwerteng mananaya naman ang nanalo ng konsolasyon na tig-P150,000 matapos makuha ang limang numerong kumbinasyon.
Muli namang mare-reset sa P30 milyon ang jackpot prize sa Grand Lotto sa darating na bola nito sa Sabado.
Noong nakaraang Nobyembre ay napanalunan ng taga-Olongapo ang pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng Philippine lottery na nagkakahalaga ng P741,176,323.20.
Nito lamang nakalipas na Hunyo, isang 60-anyos na barangay tanod ang nanalo sa 6/55 Grand Lotto na may jackpot prize na P356.5 million.
- Latest
- Trending