Ikatlong operasyon ni CGMA tagumpay
MANILA, Philippines - Tiwala ang mga espesyalistang mangagamot ng St. Luke’s Medical Center na matagumpay na ang ikatlong operasyon na isinagawa nila sa “cervical spine” ni Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo makaraang mairaos ito kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Dr. Mario Ver, orthopedic consultant, na tiwala sila ngayon sa ginawa nilang operasyon na hindi na mawawala sa porma ang ikinabit nilang “titanium implants” dahil sa ginawa nilang “fusion surgery”.
Ipinaliwanag din ni Dr. Ver ang mga pamamaraan na kanilang isinagawa sa maselang operasyon, kabilang ang inilagay nilang tubo na magpapatatag upang hindi kumalas ang nadispormang gulugod sa batok at ang pagkuha nila ng buto sa pelvic bones na ipinang-kalso upang maging matatag ito ng tuluyan.
Kinabitan naman ang dating Pangulo ng “halo vest” sa ulo at leeg upang makatulong para sa katatagan ng implants. May isang buwan umano bago maaaring tanggalin ang halo vest.
Una nang nadiskubre ang impeksyon sa operasyon ni Arroyo ngunit natuklasan rin na hindi ito ang rason sa pagkawala sa porma ng implants. Sinabi ng mga espesyalista na may “medical condition” na “hypoparathyroidism” si Arroyo o kundisyon na nagdudulot ng marupok na buto dahil sa kakapusan ng calcium na siyang dahilan kaya nawala sa porma ang implants.
Sinabi ni Cervantes na gising na ang pasyente at nasa “recovery period” na. Mahigpit na ipinag-utos ng mga doktor na bigyan lamang ito ng “liquid diet” pero hinihikayat na maglakad-lakad na.
- Latest
- Trending