Opisyal sa chopper scam kakasuhan
MANILA, Philippines - Sasampahan na ng kasong administratibo at kriminal sa tanggapan ng Ombudsman ng PNP-Criminal Investigation Group ang lahat nitong opisyal kabilang ang mga retirado at maging ang maiimpluwensyang sibilyan na dawit sa chopper mess na sinasabing pag-aari ng pamilya Arroyo.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., may matibay silang ebidensya para kasuhan ang lahat ng mga sangkot sa tatlong overprice Robinson 44 Raven, dalawa rito ay segunda mano na binayaran sa halagang P105-M.
Sinabi ni Pagdilao na maaring sa susunod na linggo ay isampa na nila ang kaso sa Ombudsman pero hindi tinukoy kung kabilang sa kakasuhan si dating First Gentleman Mike Arroyo.
Bukod sa dating opisyal ng PNP, ibinunyag ni Pagdilao na may mga sibilyan na maaaring mapasama sa kaso kabilang na si Archibald Po, ang may-ari ng Lion Air Inc., at mga opisyal ng Manila Aerospace Trading Corporation (MAPTRA), ang kumpanyang nagbenta ng dalawang lumang helicopters sa PNP ngunit binayaran sa presyong bago.
- Latest
- Trending