MANILA, Philippines - Nais ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV na patibayin ang Republic Act 9184 o mas kilala sa tawag na Government Procurement Act sa pamamagitan ng pagdagdag ng probisyon na mag-uutos ng pagkuha ng video sa lahat ng pulong na may kinalaman sa proseso ng pagbili ng kagamitan ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Trillanes na simula ng maipasa ang naturang batas walong taon na ang nakalilipas ay ang sistema ng pagbili ng pamahalaan ay nababahiran pa rin ng sabwatan, pag-abuso sa sariling pagpapasya ng mga kinauukulan at iba pang uri ng korapsyon.
Sa ilalim ng Senate Bill 179 na inihain ni Trillanes, saklaw ng probisyon sa pagkuha ng video ang lahat ng miting ng Bids and Awards Committee (BAC) ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa proyekto na nagkakahalaga ng P1 milyon pataas.
Nakalagay rin sa panukalang batas na kailangang kuhanan ng “close-up” ng video ang lahat ng dadalo sa mga pulong. Bukod dito, lahat ng miyembro ng BAC, mga bidder, isang kinatawan ng Commission on Audit at dalawang observer, ay kinakailangang magpakilala isa-isa sa harap ng kamera.
Ang mga nakuhang video ay maaring gamitin bilang ebidensya sa korte or anumang pagdinig sakaling kailanganin sa anumang kasong legal.