Watchlist vs Mike A hinarang ng SC
MANILA, Philippines - Nakapuntos sa Korte Suprema ang kampo ni dating First Gentleman Atty. Mike Arroyo matapos harangin ang watchlist order (WLO) na ipinalabas ni Justice Secretary Leila de Lima.
Sa botong 13-0, pinaboran ng mga mahistrado ang argumento ng dating unang ginoo, kaya hinarang ang kautusan ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa kampo ni Arroyo, nalabag ang kanyang karapatan sa pag-iral ng WLO dahil mapipigilan siyang makabiyahe patungo sa ibayong dagat sa kabila ng wala pa naman siyang kaso kaugnay sa mga usaping ibinibintang sa kanya. Pawang mga harassment lamang anya ang ginagawa sa kanila.
Nag-ugat ang isyu matapos ituro ng ilang testigo sa Senate inquiry ang dating unang ginoo na nasa likod ng second hand choppers na ibinenta sa presyong brand new sa Philippine National Police (PNP). Ang usapin hinggil sa chopper ay iniimbestigahan ngayon sa Senado.
Nabatid na maging ang bagong talaga ni Pangulong Noynoy Aquino na mahistrado ng korte na si Justice Bienvenido Reyes ay hindi rin pumabor sa posisyon ng DoJ na watch list order laban kay Mr. Arroyo.
- Latest
- Trending