MANILA, Philippines - Mahigit P20 milyong halaga ng pekeng Vans rubber shoes ang kinumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkakasabay na pagsalakay sa Pasay City, sa ulat kahapon.
Sa ulat ni NBI – Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD), Atty. Rommel Vallejo, isang tindahan at dalawang bodega na pag-aari ng isang Yolly Sy na matatagpuan sa Pasay City ang sinalakay.
Kasabay nito ang pagsalakay din sa isa pang retail outlet at 4 na warehouse ng pag-aari naman ng isang Ke Yu Min alyas Jimmy Ke, na matatagpuan sa Stall S-21 ground floor. Sa Unit 10, sa 5/F at Unit 30 sa 4/F ng Harrison Shoe Plaza, at sa 2/F ng Ley Warehouse, No. 56 Russel St. at Unit A7 5/F One Shopping Center, Kapitan Ambo St., pawang sa Pasay City.
Sa pamamagitan ng kinatawan ng Vans Inc., na si Andrea Phelippe G. Betita ng Quisumbing Torres Law Offices, idinulog ang reklamo laban sa mga tindahan at bodega na nagbebenta ng pekeng brand kaya nagsagawa ng surveillance.
Nag-isyu naman si Manila Regional Trial Court Branch 22 Judge Mariano Dela Cruz Jr., ng search warrants na ginamit sa pagkumpiska ng mga pekeng produkto.