Gov't officials na isasalang sa Mayuga report hindi pipigilan
MANILA, Philippines - Hindi pipigilan ng Malacañang ang sinumang opisyal ng gobyerno na humarap sa imbestigasyon na posibleng gawin ng dalawang kapulungan ng Kongreso o ng Commission on Elections kaugnay sa Mayuga report.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, kahit kailan ay hindi naman nagpapalabas ng direktiba si Pangulong Aquino na pipigil sa pagharap ng mga opisyal ng gobyerno sa anumang uri ng imbestigasyon.
“Nakita naman po natin yan in previous senate and congressional hearing ‘pag iniimbita po dumarating naman po ang ating mga public officials,” sabi ni Valte.
Depende na umano sa iniimbitahang opisyal kung dadalo ito sa pagdinig o hindi.
Tumanggi rin si Valte na magbigay ng komento kaugnay sa nilalaman ng Mayuga report. Matatandaan na matagal na itinago sa publiko ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng isang panel ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines kaugnay sa naging partisipasyon umano ng militar sa dayaang nangyari noong 2004 presidential elections.
Idinagdag ni Valte na labas na rin sa kapangyarihan ng Malacañang kung ipatawag man sa imbestigasyon ang mga retiradong opisyal ng militar na kasama sa gumawa ng report.
- Latest
- Trending