MANILA, Philippines - Isang oportunidad para repasuhin ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato ang kontrobersiyal na Environment Code (Envi Code) na nagbabawal sa open pit mining sanhi ng bagong labas na Environmental Impact Statement (EIS) ng Sagittarius Mines, Inc (SMI) hinggil sa Tampakan Copper-Gold Project.
Ayon kay John Arnaldo, Corporate Communications Manager ng SMI, ang mga nakasaad sa EIS ay ibinigay sa lahat ng kasangkot sa proyekto bilang bahagi ng proseso para makakuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa gobyerno bago simulan ang Tampakan Project.
Nauna rito, pinuna ng grupong SOCSKSARGEN Climate Action Now (SCAN) na nakabase sa Social Action Center sa Diocese ng Marbel na tuloy-tuloy lang ang SMI sa feasibility studies nito kahit ipinagbabawal ang open pit mining sa lalawigan.
Ngunit nilinaw ni Arnaldo na pinauunlad ng SMI ang Tampakan Mine Project batay sa mga regulasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na nagkaloob dito ng kontrata.