MANILA, Philippines - Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng paaralan at opisinang sakop nito na magpatupad ng programa sa pagtitipid sa tubig bilang tugon sa panawagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na napakaimportante ang pagtitipid ng malinis na tubig dahil sa may katapusan rin umano ang suplay nito kung palagiang sinasayang.
“Marami sa atin ang may maling nosyon na hindi nauubos ang pinagkukunan ng tubig ngunit ang malinis at naiinom na tubig ay may katapusan at hindi nakukuha sa maraming liblib na lugar kaya kailangang maging responsable sa paggamit nito,” ani Luistro.
Sa panawagan ng MWSS, nararapat umanong magtulong-tulong ang mga sektor ng pamahalaan at publiko na makapagtipid ng 10 porsyento sa nakagawiang araw-araw na konsumo ng malinis na tubig upang hindi magkaroon ng kakapusan at mairasyon ito.
Ipinag-utos na rin ng DepEd ang pagkakabit ng mga poster ng “water conservation tips” na inilabas ng MWSS sa lahat ng paaralan at komunidad at ituro ito ng mga guro sa mga mag-aaral sa ilalim ng araling Health Education.
Ilan sa mga tips ang regular na pag-aayos sa mga tubo, paggamit ng recycle na tubig sa pag-flush sa inidoro, tamang pagdidilig ng halaman, paglilinis ng sahig at paggamit ng mga gripo. Kasama rin dito ang paggamit ng tabo at timba sa paliligo sa halip na shower.